Sintonado Ka Ba? May Pag-asa Ka Pa!

“It is not a bad idea to be a late starter in a career.”
Ito ang ibinahagi ng 48-year old na si Lemuel Cuento na pinakamalaking lesson na natutunan nya sa pagiging isang renowned international opera singer.
Alam nyo ba, ang sikat na opera singer na ito ay aminadong sintonado sya noong bata pa sya? At natuklasan na lamang nya ang kanyang, “calling” noong sya ay 3rd year high school sa UP Rural High School (UPRHS) sa Los Banos, Laguna (na ngayon ay nasa Bay, Laguna na).
Kwento ni Lemuel, nagsimula ang lahat nang sya ay makapanood sa Cultural Center of the Philippines (CCP), kasama ang kanyang pamilya, ng pagtatanghal ni Filipino tenor Otoniel Gonzaga.
“Simula nung buksan nya ang kanyang bibig at umawit, na-realize ko agad na iyon ang gusto kong gawin kapag ako’y nagka-edad”, kwento ni Lemuel Cuento. “Napuno ang buong teatro ng napakaganda nyang boses”, dagdag pa nya.
Kaya naman sa edad na 16, sya ay kumuha ng voice lessons. Nag-aral din sya sa College of Music sa University of the Philippines Diliman mula 1989-1994. Ipinagpatuloy nya ang kanyang music education sa Hong Kong Academy of Music mula 1994 hanggang 1995. At noong 1996, nakamit nya ang kanyang diploma sa Opera Performance mula sa Vienna Conservatory at ang kanyang naging mentor ay si Ms. Sylvia Greenberg.
Sa kanyang pagsisikap, nasungkit nya ang 2nd Place sa Nicanor Abelardo Voice Competition sa Manila noong 1994. Noong taon ding yaon, naging finalist rin sya sa 8th Biennial Rose Ponselle Voice Competition sa New York. Lumahok din sya sa New Voices Boarding Singing Contest sa Güthersloh, Germany noong 1999.
Si Lemuel ay 33 anyos na nang sya ay magsimulang maging isang soloist sa theater. Maituturing ito na huli na sa paningin ng karamihan. Pero hindi naantig si Lemuel na magsimula sa ganitong edad. Nagpursige sya hanggang sa makamit nya ang tugatog ng kanyang karera sa opera.
Magmula sa pagiging soloist sa teatro, nagtanghal sya sa iba’t ibang opera tulad ng Cavalleria Rusticana, Pagliacci, Hoffmann’s Stories at maraming pang ibang kilalang opera. At noong 2004 ay naging bahagi sya ng Pforzheim theater, kung saan nagtanghal sya bilang si Don Carlo, Florestan sa “Fidelio“, Rodolfo sa “La Bohéme”, Cavaradossi sa “Tosca“, Jim Mahoney sa “Mahagonny”, Lensky sa ”Eugene Onegin”, Canio sa “I Pagliacci”, Luigi sa “II Tabarro”, at The Steersman sa “The Flying Dutchman”.
Sinong magaakala na ang isang batang sintonado na nag-aral sa isang maliit na bayan ng Laguna ay makikilala sa ibang bansa at hinahangaan ng marami?
Ayan ang kwento ni Lemuel Cuento. May kwenta, di ba?


Magsilbing inspirasyon sana ang kwentong ito ni Lemuel sa ating mga kababayan. Kaya huwag mawalan ng pag-asa. Kung ikaw ay sintonado at binabato kapag ikaw ay kumakanta o di kaya’s binu-bully at pinagsasabihan ng “Uulan na naman” dahil sa iyong pagkanta, may pag-asa ka pa. Hindi pa huli ang lahat, kaibigan. Alalahanin mo lang ang kwento ni Lemuel.
Nais nyo ba syang mapanood ng live?
Mapapanood nyo sya sa Miyerkules, February 26, 2020 alas-7 ng gabi sa DL Umali Hall ng UP Los Baňos, Laguna. Matutunghayan nyo sya sa “Coming Home: Lemuel Cuento in Concert”. Ito ay isang fund-raising event para sa “Youth Program on Agriculture” ng UP Rural High School (UPRHS) Principal’s Officeatpara sa “100 Voices of Bay” program ng UPRHS Glee Club.
Mage-enjoy ka na, makatutulong ka pa sa pagpapalaganp ng agrikultura sa mga kabataan at sa pamimigay ng mga musical instruments sa mga estudyante sa bayan ng Bay, Laguna sa pamamagitan ng naturang mga programa ng UPRHS.
Saan makakabili ng ticket?
Magpunta lamang sa The Generics Pharmacy (kahilera ng Los Baños Doctors Hospital sa Lopez Avenue, Batong Malake, Los Baños, Laguna. Maari nyo silang tawagan ditto: (049) 536-2412
Kitakits!
